Isang malaking hakbang tungo sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon sa rehiyon ng Bicol ang pagkakaloob ng ₱337 milyong pondo sa Bicol Intercity Transport Cooperative (BITCoop) sa ilalim ng Public Transport Modernization Program.
Ang nasabing pondo ay inirekomenda ng Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations (GCG) sa Land Bank of the Philippines para sa loan processing noong Nobyembre 2024. Layunin nitong suportahan ang pagpapalit at pagdaragdag ng mga makabagong pampasaherong sasakyan sa buong rehiyon.
Ayon kay Joemil Mujar, Chairman ng BITCoop, ang pondo ay gagamitin sa pagbili ng mga modernong buses, gayundin sa pagtatatag ng mga loading at unloading zones para sa mas organisado at ligtas na biyahe ng mga pasahero.
Binigyang-diin ni Mujar ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya sa PUV modernization, kung saan tampok sa modern jeep ang automated fare collection system, CCTV cameras, passenger counting system, at mobile digital video recording system. Dagdag niya, ang proyektong ito ay bunga ng sipag at dedikasyon ng kanilang kooperatiba upang matiyak ang mas maayos at episyenteng transportasyon sa rehiyon.
Dagdag pa niya, bahagi rin ng pangmatagalang plano ng kooperatiba ang programa sa pabahay para sa mga tsuper upang mapabuti ang kanilang kabuhayan at kalagayan.
Sa patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at ng sektor ng transportasyon, umaasa ang BITCoop na mas mapapalawak pa ang kanilang serbisyo at makapaghatid ng mas mataas na antas ng benepisyo para sa mga miyembro at pasahero. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay