Hindi extraordinary rendition ang nangyaring pag-turn over ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) kay dating pangulong Rodrigo Duterte para sa kasong ‘crimes against humanity’ na mayroong kinalaman sa ‘war on drugs’ ng nagdaang administrasyon.
Sa Malacañang press briefing, ipinaliwanag ni ICC-accredited lawyer Atty. Joel Butuyan na ang extraordinary rendition ay iyong pag-aresto, halimbawa sa isang terorista na isusuko ng isang bansa, patungo sa isa pang bansa.
“Iyong extra rendition ay iyong pag-aresto ng parang, isang terorista na isu-surrender sa isang country, sa ibang country, hindi sa international court.” — Atty. Butuyan.
Sa ilalim aniya ng extraordinary rendition, hindi na nangangailangan ng warrant of arrest.
Sa kaso aniya ng pag-aresto kay dating pangulong Duterte, malinaw na mayroong hawak na warrant of arrest ang mga awtoridad.
Bukod dito, hindi aniya bansa sa bansa ang nag-ugnayan para sa pagsasakatuparan ng pag-arestong ito, sa halip naganap ito dahil sa warrant of arrest na inilabas ng isang international court.
Dahil dito, hindi aniya maituturing na extraordinary rendition ang nangyaring pag-aresto sa dating pangulo.
“Doon, walang warrant of arrest iyon, iyong extra rendition, ito mayroon pong warrant of arrest issued by an international court and hindi ito country to country, so hindi ho extra rendition iyong nangyari dito.” — Atty. Butuyan. | ulat ni Racquel Bayan