Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang ulat na tatlong Pilipino ang inaresto sa China matapos akusahang sangkot umano sa pang-eespiya.
Gayunman, tumanggi ang kalihim na magbigay ng detalye tungkol sa kaso at sinabi na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang may saklaw sa usaping ito.
Sa isang ambush interview sa ika-49 na anibersaryo ng AFP Western Command sa Puerto Princesa, iginiit ni Teodoro na ang insidenteng ito ay patunay na hindi mapagkakatiwalaan ang mga namamahala sa gobyerno ng China.
Dagdag pa niya, iba ang kaso ng mga Chinese national na nahuhuli sa Pilipinas dahil may malinaw na ebidensya ng paglabag sa batas.
Samantala, nauna nang sinabi ng DFA na tatlong Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa Hainan, China, ngunit hindi nito inilabas ang detalye ng kanilang kaso upang maprotektahan ang kanilang privacy. | ulat ni Diane Lear