Nagpaalala si House Deputy Majority leader Lorenz Defensor, miyembro ng prosekusyon, na mahalagang nasa bansa si Vice President Sara Duterte oras na simulan ang kaniyang impeachment trial.
Ayon sa mambabatas, naiintindihan naman niya ang pangangailangan ng Bise na manatili muna sa The Netherlands ngayon para asikasuhin ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakadetine sa International Criminal Court (ICC).
Binubuo ng Bise Presidente ang magiging legal team ng ama para sa kasong crimes against humanity.
Ngunit diin ng House prosecutor mayroon ding obligasyon ang Pangalawang Pangulo na harapin at sagutin ang mga isyu sa naka-ambang sa Senate impeachment trial.
“Being the Vice President, while you have a father to take care, you also have a nation to look after and a nation you have to see that you are accountable for your actions…we do not abandon our duties and responsibilities especially our accountability as the sitting Vice President,” saad niya sa isang panayam.
Hirit pa ni Defensor, magkakaroon ng pagkakataon ang Pangalawang Pangulo na depensahan ang sarili sa Senate impeachment court, bagay na hindi nagawa ng mga biktima ng madugong war on drugs dahil sa kawalan ng due process.
Diin pa niya na maging ang dating Pangulo ay bibigyang pagkakataon ng ICC na makapagpaliwanag sa korte na hindi hamak na mas patas kumpara sa mga nasawi sa war on drugs na hindi man lang nakaharap sa korte.
“Talagang lahat ng mga pamilya na involved sa nangyayari sa ating bansa ay nakakaranas ng kahirapan. Pero tandaan din natin na ang mga pamilya na naging biktima ng drug war lalo’t lalo na ‘yung mga walang kasalanan ay nakalagay din sa sitwasyon na mas malala,” sabi ni Defensor.
Bagamat maaari idaan ng Bise Presidente ang mga tugon sa summons sa kaniyang legal team, mas mainam pa rin ayon sa prosekusyon na siya ay personal na dumalo sa kaniyang paglilitis. | ulat ni Kathleen Jean Forbes