Nakatutok na ang Land Transportation Office (LTO) para matiyak na mas magiging mabilis ang proseso sa pagkuha ng plaka ng mga motorista.
Nakipagpulong na si LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II sa mga kinatawan ng Motorcycle Manufacturers, Assemblers, and Importers (MC MAIs) para talakayin ang pilot testing para sa mas pinadaling proseso na magtitiyak na ang mga bagong labas na motorsiklo ay rehistrado na, at may nakakabit na plaka.
Kasunod nito, nakipagpulong naman si LTO Executive Director Atty. Greg G. Pua Jr. sa mga kinatawan mula sa Motor Vehicle Dealers para talakayin ang parehong paksa.

Ayon sa LTO, nais nitong makasiguro na lahat ng bagong labas na sasakyan ay dumaan sa wastong proseso ng pagrerehistro at pag-isyu ng plaka bago makarating sa mga may-ari.
Sa ngayon, pinupursige na umano ng LTO na mapahusay ang proseso ng pagrerehistro at distribusyon ng plaka katuwang ang mga sektor ng industriya.
Matatandaang inatasan ni Department of Transportaion Secretary Vince Dizon ang LTO, na tugunan ang backlog issue na nagsimula noong 2014, partikular para sa motorcycle plates. | ulat ni Merry Ann Bastasa