Welcome kay Senador Sherwin Gatchalian ang pagbabalik-Pilipinas o ang repatriation ng nasa 200 overseas Filipino workers (OFWs) na pwersahang pinagtrabaho sa mga scam farms sa bansang Myanmar.
Ayon kay Gatchalian, binibigyang-diin lang ng isyung ito ang pangangailangang agad na matugunan ang exploitation ng mga Pilipino at paggamit sa ating mga kababayan upang magtrabaho sa mga criminal organizations.
Kaugnay nito, hinikayat ng senador ang pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang mga anti-trafficking law, paigtingin ang crackdowns sa mga illegal recruiter, at patatagin ang international cooperation upang masawata ang mga criminal networks na ito.
Dapat rin aniyang ipagpatuloy ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagbibigay ng komprehensibong suporta sa ating mga kababayan, kasama na rito ang legal assistance, psychological counseling, at reintegration programs upang matulungan ang mga OFW at ang kanilang mga pamilya na maitayong muli ang kanilang buhay.
Muli ring nanawagan ang mambabatas sa publiko na maging mapanuri sa mga trabahong pinapasukan at kumonsulta sa pamahalaan upang maiwasang mabiktima ng ganitong mga modus. | ulat ni Nimfa Asuncion