Ipinapaubaya na ni Alyansa senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis Tolentino sa susunod na Kongreso o sa 20th Congress ng Senate ang pagdedesisyon kung dapat na bang bumalik ang Pilipinas bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay sa gitna ng mga pahayag ng ilang mga kongresista na suportado o bukas sila na maging miyembro muli ng ICC ang Pilipinas.
Ayon kay Tolentino, kailangang magkaroon ng collegial decision tungkol sa usaping ito.
Kasama rin aniyang dapat magdesisyon sa paksang ito ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Matatandaang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute o ang kasunduang bumubuo sa ICC noong March 2018, at ganap itong naging epektibo noong March 2019.
Sa ilalim ng Constitution ng Pilipinas, kailangang sumang-ayon ang at least two-thirds ng mga senador o 16 sa 24 na mga senador, para magkaroon ng bisa ang ano mang international na kasunduan o tratadong papasukin ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion