Nilinaw ng Malacañang na ang mga Pilipino ang nagdesisyon at hindi iisang tao ang responsable, kaya’t nakabalik sa pwesto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang binigyang diin ni Communications Undersecretary Claire Castro sa gitna ng kumakalat sa social media, na umano’y binigyan ng dignidad ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Marcos upang makabalik, ngunit sinuklian umano ito ng Pangulo ng pagbibigay ng death sentence kay Duterte sa dayuhang bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na walang katotohanan ito.
Katunayan, una nang tinawag ni Duterte si Pangulong Marcos na mahinang lider.
“Kung inyo pong matatandaan hindi po ba mismo ang dating Pangulong Duterte ang hindi naniniwala kay Pangulong Marcos, he even said that PBBM is a weak leader. Papaano niya masasabi na inangat niya ang dignidad ni Pangulong Marcos kung siya mismo dati ang nagbababa rito?” -Usec. Castro
Sabi ni Usec. Castro, nakabalik sa pwesto si Pangulong Marcos dahil ipinakita nito ang kaniyang kakayanan sa mga Pilipino.
“Ang nagpabalik po kay Pangulo Marcos ay ang taumbayan po hindi po iisang tao. Pinakita po ni Pangulong Marcos kung ano ang kakayanan niya.” – Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan