Inihahanda na ng Philippine Air Force (PAF) ang full operation ng kanilang FA-50 fighter jets matapos itong ilagay sa ‘grounded status’ kasunod ng trahedyang kinasangkutan ng dalawang piloto nito sa Bukidnon.
Ayon kay PAF Spokesperson Colonel Ma. Consuela Castillo, kasalukuyang tinatapos ang masusing inspeksyon ng buong FA-50 fleet. Kapag natapos ito, agad na aalisin ang administrative grounding ng mga eroplano.
Ito aniya ay para maibalik ang fighter jets sa kanilang mahahalagang misyon, kabilang ang maritime patrol, airspace security, at suporta sa mga nagpapatuloy na operasyon ng militar.
Tiniyak ni Castillo na committed ang PAF sa pagbabalik ng FA-50 fleet sa full operational status at umaasang maisasakatuparan ito ngayong linggo.
Matatandaang noong March 4, naiulat na nawawala ang dalawang piloto ng PAF, na kalaunan ay nakumpirmang nasawi matapos bumagsak ang sinasakyang ng FA-50 fighter jet sa Bukidnon. | ulat ni Diane Lear