Plano ng Department of Agriculture (DA) na ituloy ang pagbili at pagbenta ng lokal na karneng baboy para magkaroon ng mas murang opsyon ang mga mamimili.
Sa gitna ito ng nanatiling mataas na presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan sa kabila ng ipinatupad ng maximum suggested retail price (MSRP) ng DA.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, muling pangangasiwaan ng Food Terminal Inc. (FTI) ang planong pagbili at pagbenta ng baboy sa mas murang halaga.
“Isa sa mga plano ng FTI ay bumili rin sa merkado ng baboy at, kagaya ng ginagawa nito sa bigas, hindi ito kikita o malulugi. Dahil walang masyadong middlemen, maaari itong magbenta ng mas mura,” ani De Mesa.
Ito na aniya ang karagdagan pang hakbang ng pamahalaan kung hindi pa rin bumaba ang presyo ng baboy sa mga pamilihan.
Aminado ang DA na sa ngayon ay nasa 20% lang sa 170 na minonitor na pwesto ang nakakasunod sa MSRP habang 6- 7% lang din sa pork traders ang sumusunod sa itinakdang presyo ng “sabit-ulo.”, bagay na iimbestigahan na rin ng kagawaran. | ulat ni Merry Ann Bastasa