Natapos na ng Department of Public Works and Highways ang bagong kalsada patungong rolling hills sa Isabela.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang proyektong ito ay bahagi ng Tourism Road Infrastructure Program na isinagawa katuwang ang Department of Tourism upang mapabuti ang konektibidad at mapasigla ang lokal na turismo.
Ang bagong kalsada, na may habang 565.5 metro, ay may kasamang gravel shoulder, drainage canals, at stone masonry para sa dagdag na tibay at proteksyon laban sa pagguho ng lupa.
Dagdag pa ni Bonoan, malaking tulong ito sa mga turista at residente dahil mas magiging episyente at ligtas ang biyahe, kasabay ng pagpapalakas ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng turismo.
Patunay ito ng patuloy na pagtutok ng gobyerno sa pagpapaganda ng imprastraktura para sa mas progresibong rehiyon. | ulat ni Lorenz Tanjoco