Malaking ginhawa para sa mga mamamayan ang pagdadagdag ng mga gamot sa listahan ng mga VAT-free products.
Ito ang pahayag ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa pagrekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) sa 17 mga gamot para sa high cholesterol, diabetes, hypertension at mental illness na hindi na papatawan ng value added tax (VAT).
Ayon kay Pimentel, bawat pisong matitipid sa mga gamot ay nangangahulugan ng dagdag na maipanggagastos ng mga kababayan natin sa pagkain, edukasyon at pagkakaroon ng mas mainam na pamumuhay.
Kasabay nito ay hinikayat ng minority leader ang gobyerno na palawakin pa ang VAT exemptions, para masakop ang mas marami pang gamot.
Si Pimentel ang isa sa mga nagsulong na maisama sa VAT-exempted na gamot ang mga psychiatric medicines sa ilalim ng CREATE MORE law. | ulat ni Nimfa Asuncion