Isinusulong ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na imandato sa mga pribadong opisina at tanggapan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng prayer breaks at prayer room para sa mga empleyadong Muslim.
Aniya, sa Islam limang beses sa isang araw nagdarasal ang ating mga kapatid na Muslim.
Isa rito ay sa tanghali at isa rin sa hapon na pawang pasok sa oras ng trabaho.
“Two of these prayers, ‘Dhuhr,’ (thuhur) which is performed at midday, and ‘Asr,’ which takes place in the late afternoon, often coincide with working hours. These moments allow our Muslim brothers and sisters to show their faith in Allah and reflect on their spiritual life,” aniya.
Maaari, aniya, na nahihiya at may alinlangan ang mga kapatid nating Muslim sa paghingi ng prayer break lalo na kung ang kanilang boss ay may ibang pananampalataya.
Bagamat may ilan na aniyang kompanya na ginagawa ang prayer break at may mga prayer rooms, kadalasan ay sa Muslim-majority provinces lamang ito.
Kaya umaasa siya na sa kaniyang panukala ay gagawin na itong batas at ipapatupad sa buong bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes