Iginiit ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre na hindi dapat minamaliit ang 43 kaso na gagamitin ng International Criminal Court sa paglilitis kay dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ‘crimes against humanity’ kaugnay sa madugong ‘war on drugs’.
Giit niya na hindi lang ito basta numero o istatistika bagkus ay bilang ng buhay na nawala dahil sa EJK.
Sabi pa ni Acidre na hindi tinitingnan ng ICC kung gaano karami ang napatay bagkus ay ebidensya na magpapakita ng bigat na mayroong consistent na pattern ng pang-aabuso at pagiging brutal.
“Ang bawat isa sa 43 na kaso ay isang buhay na nawala. Pamilya ang naulila. Hustisya na ipinagkakait. Hindi tamang sabihin na maliit na bilang lamang ito dahil bawat kaso ay may bigat at kahulugan,” sabi ni Acidre.
Hirit pa ni Acidre na kung tutuusin, isang kaso lang ang kakailanganin para makapagbaba ng hatol.
“Hindi ito survey o istatistika. In fact isang kaso lang ang kailangan for conviction. Hindi kailangan ng komplikadong equation para patunayan na mayroong masamang sistema. Ang bawat kaso na iniimbestigahan ay isang dokumentadong patunay ng isang mas malawak at nakakatakot na pattern ng karahasan,” dagdag paliwanag pa niya.
Paalala pa ng kinatawan na ang trabaho ng ICC ay magdala ng hustisya sa mga biktima at ang dami ng kaso ay hindi ang sukatan ng hustisya.
Dagdag pa niya na bawat isa aniya sa mga kaso na ito ay hakbang patungo sa pagkamit ng hustisya na matagal nang ipinagkakait sa mga biktima ng EJK at kanilang mga pamilya. | ulat ni Kathleen Forbes