Hiniling na ng Department of Agriculture (DA) ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para maimbestigahan ang kumakalat na impormasyon sa social media na tatlong magsasaka sa Nueva Ecija ang nagpakamatay umano dahil sa bagsak na presyo ng palay.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., naaalarma ito sa interpretasyon ng ilang grupo sa insidente na taliwas sa opisyal na ulat ng mga awtoridad at sa imbestigasyon mismo ng DA, kabilang ang mga pahayag mula sa pamilya ng mga nasawi.
Sa liham na ipinadala ng kalihim sa NBI noong Lunes, hiniling nito ang masusing pagsisiyasat para mailabas ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon.
Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na dapat hayaan munang magluksa nang tahimik ang pamilya ng mga nasawing magsasaka.
Nakahanda naman aniya ang DA na magbigay ng anumang kinakailangang tulong sa kaanak ng mga magsasaka.
Kasunod nito ay tiniyak ni Secretary Tiu Laurel na ginagawa ng gobyerno ang lahat para maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka, habang isinasaalang-alang din ang kapakanan ng mga mamimili.
Hinimok din niya ang mga mambabatas na magpasa ng batas na magpapalakas sa kakayahan ng DA na tugunan ang ganitong mga isyu.
“Ginagawa natin ito na parang may tali ang isang kamay natin. Kailangan nating maibalik ang ilan sa mga kapangyarihan ng NFA—kung hindi man sa ahensya mismo, ay sa DA—upang mas epektibong harapin ang mga hamon na ito,” ani Secretary Laurel.
“Kailangan din ng NFA ng karagdagang pondo upang makabili ng mas malaking dami ng palay—mga 20 porsyento ng suplay—upang maimpluwensyahan ang presyo sa merkado.” | ulat ni Merry Ann Bastasa