Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na palawakin at pag-ibayuhin pa ang Kadiwa ng Pangulo stores sa bawat sulok ng Pilipinas para mas marami pang mga Pilipino ang makinabang mula sa mas murang pagkain nang hindi isinasakripisyo ang nutrisyon.
Pahayag ito ng senador kasunod ng pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at National Housing Authority (NHA) para magkaroon ng Kadiwa stores sa housing projects ng NHA.
Ayon kay Gatchalian, ang pagpapalawak ng Kadiwa stores ay isang malaking hakbang para mas mapalapit sa mga low-income households ang mas mura at preskong pagkain.
Ang inisyatibong ito, aniya, ay alinsunod sa layuning mapagbuti ang food security habang sinusuportahan ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng direktang pag-uugnay sa kanila sa mga konsumer.
Binigyang diin ni Gatchalian na dapat tiyakin na ang abot-kaya at masustansiyang pagkain ay hindi pribilehiyo, kundi karapatan ng bawat Pilipino. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion