Umapela ang mga transport group na bumubuo ng Enormous 5 sa Department of Transportation (DOTr) na ituloy lang ang Public Transport Modernization Program (PTMP) sa kabila ng ikinasang transport strike ng MANIBELA.
Ang “Enormous 5” ay kinabibilangan ng Pasang Masda, Altodap, Acto, Busina, at Curoda.
Sa isang pahayag, iginiit ng grupo na ang PTMP ang tunay na para sa kapakanan ng publiko at sektor ng transportasyon.
Ayon sa Enormous 5, malinaw ang layunin ng PTMP at ito ay gawing ligtas, maayos, at makatao ang pampublikong transportasyon.
Hirit ng grupo sa kalihim na huwag magpadala sa ilang grupo na ginagamit ang isyu para sa pansarili at pampulitikang interes lamang.
“Sila ho ay nanggugulo lamang. Kami nga ho kinaya namin, unfair naman sa amin kung sila ay hindi susunod.”
Tiwala rin umano ang mga ito sa liderato ni Chairman Teofilo Guadiz III sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Sana ho, sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Bongbong Marcos, ang makabagong paraan ang tunay na manaig…isang moderno, ligtas, at maayos na transportasyon para sa lahat.” | ulat ni Merry Ann Bastasa