Nagpasalamat ang Department of Transportation (DOTr) sa pagtugon ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa kanilang panawagan na ilibre ang toll sa mga motoristang dumaraan sa nabanggit na lansangan.
Ito’y habang hindi pa ganap na naisasaayos ng NLEX ang nasirang tulay sa bahagi ng Marilao sa Bulacan matapos itong mapinsala sa pagdaan ng isang overloaded na truck.
Batay sa abiso ng NLEX Corporation, walang sisingiling toll mula Balintawak hanggang Meycauayan exits habang nagpapatuloy ang pagkukumpuni.
Una rito, iginiit ni Transportation Secretary Vince Dizon na dapat ilibre ng NLEX ang toll sa naturang lugar dahil sa hindi magandang serbisyong hatid nito dulot ng pangyayari.
Sa pahayag ng DOTr, sinabi nito na ang pagtugon ng NLEX sa panawagan ng Pamahalaan ay pagpapakita ng pangako na tulungan ang mga pasahero at maibsan ang kanilang kalbaryong dinaranas. | ulat ni Jaymark Dagala