Giniit ni Senate President Chiz Escudero na desisyon ng ehekutibo at ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsali muli ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang ilang kongresista ang nagpahayag ng suporta o pagiging bukas sa muling pagsali ng bansa sa international tribunal.
Ayon kay Escudero, ang papel lamang ng Mataas na Kapulungan ay ang magratipika ng mga internasyonal na kasunduan o tratado na pinapasok ng ating bansa.
Wala aniya silang papel sa pagsali o pagpirma sa mga international treaties.
Sakaling magdesisyon si Pangulong Marcos na sumali muli sa ICC, magiging back to zero ang prosesong pagdadaanan nito sa Senado, kung saan dadaan muna ito sa pagdinig ng kumite at sa debate sa plenaryo. | ulat ni Nimfa Asuncion