Naniniwala si House Assistant Majority Leader Jude Acidre na isang estratehiya ang pagkuha ng kampo ni Vice President Sara Duterte kay dating DepEd at OVP Spokesperson Atty. Michael Poa upang maging bahagi ng kanyang legal team sa impeachment trial.
Ani Acidre, sa paraang ito, mahahadlangan ang paglalahad ni Poa ng katotohanan dahil magagamit nila ang prinsipyo ng “lawyer and client confidentiality.”
Ang dapat na lang aniya tingnan sa paglilitis ay kung mangingibabaw sa puso ng dating tagapagsalita ang bayan o pulitika.
Sa panig naman ni Assistant Majority Leader Pammy Zamora, hindi na aniya siya nagulat na kinuha si Poa para sa legal team.
Ang aabangan na lamang aniya niya ay kung maipapaliwanag na ngayon ni Poa ang mga tanong patungkol sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na hindi aniya niya nasagot noong pagdinig ng House Blue Ribbon Committee. | ulat ni Kathleen Forbes