Iginiit ni Senate Majority Leader at reelectionist Senator Francis Tolentino na ang pormal na pagsusumite ng bansa ng chart ng ‘Talampas ng Pilipinas’ sa International Seabed Authority (ISA) ng United Nations (UN) ay magbubukas ng daan sa eksplorasyon ng mga nakadepositong yamang mineral, langis, at natural gas doon.
Binigyang-diin din ni Tolentino kung paano ipinapakita ng UN submission ang pakinabang ng bansa mula nang maisabatas ang Philippine Maritime Zones Law (RA 12064).
Ayon sa senador, nangangahulugan ito na magkakaroon ng mas mababang presyo ng gasolina at kuryente at maaari pang maging susi sa industriyalisasyon ng Pilipinas.
Iginiit ni Tolentino na dahil sa UN recognition, walang ibang bansa—kahit ang China—ang maaaring umangkin sa Talampas ng Pilipinas o Benham Rise.
Kasabay nito, nagmungkahi ang mambabatas sa gobyerno na simulan nang pangalanan ang iba’t ibang features ng Talampas gamit ang mga pangalan ng mga bayani, gaya nina Gabriela Silang, Gregorio del Pilar, at Andres Bonifacio. | ulat ni Nimfa Asuncion