Dapat magsilbing wake up call ang pinasalang idinulot ng Myanmar-Thailand earthquake para magsagawa ang pamahalaan ng pagsusuri sa kahandaan ng Pilipinas sa ganitong sakuna at sa katatagan ng ating mga imprastraktura.
Ito ang binigyang-diin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kasunod ng naranasang magnitude 7 na lindol doon.
Kasunod nito ay nanawagan si Pimentel sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng masusing assessment ng structural integrity ng mga pampublikong imprastraktura sa buong Pilipinas.
Dinagdag rin ng senador na isa ring dapat magmulat sa disaster preparedness at infrastructure resilience ng ating bansa ang nangyaring pagbagsak ng Cabagan-Sta Maria bridge sa Isabela.
Kailangan aniyang magsagawa ng evaluation ng kalidad ng trabaho sa mga construction projects ng pamahalaan para matiyak na makakayanan ng mga ito ang malakas na lindol.
Pinaalalahanan ni Pimentel ang mga awtoridad na magpatupad ng mga proactive measures gaya ng pagsasagawa ng infrastructure audits, mahigpit na pagpapatupad ng building standards, at pamumuhunan sa disaster resilience programs para matiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa anumang potensyal na kalamidad. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion