Siksik ang trabaho ng Senado sa huling dalawang linggo ng 19th Congress.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, sa pagbabalik sesyon nila sa June 2 ay pangunahing prayoridad ng Mataas na Kapulungan ang pagkumpleto sa mga mahahalagang legislasyong nakabinbin sa kanilang kapulungan.
Kabilang sa mga panukalang batas na ito ang Right of Way bill, lease measure para sa foreign investor at ang pagpapalawig ng mga charter ng National Housing Authority (NHA), Development Bank of the PHilippines (DBP), at National Economic and Development Authoritu (NEDA) na nakatakda nang mapaso ngayong taon.
Bukod sa pagpapasa ng mga nakabinbing panukalang batas ay pinaghahandaan na rin ng Senado ang pagko-convene bilang isang impeachment court, para malitis ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte.
Dagdag rin sa magiging trabaho ng Mataas na kapulungan ang trabaho nila sa Commission of Appointments (CA).
Ipinunto ni Escudero, na kabilang sa mga kailangan pang kumpirmahin ng CA ang appointment nina ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Rhoel Aguda, Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz at ang iba pang appointees ng Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Tiwala naman ang senate president na kakayanin nilang matapos ang lahat ng ito bago magsara ang 19th Congress.
Pagkatapos ng May elections, magbabalik sesyon ang 19th Congress sa June 2 at magsasara na ito sa June 13. | ulat ni Nimfa Asuncion