Matagal nang ipinagpasalamat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naging desisyon noon ng Korte Suprema na hayaang mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang kaniyang ama, taong 2016 pa, at senador pa lamang ang pangulo.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng sinabi ni Mayor Baste Duterte na walang utang na loob ang pangulo sa nakatatandang Duterte.
“Dahil ba sa sinasabing ito ni Mayor Baste Duterte ng tanaw ng utang na loob ito po ba iyong ginamit kaya ng dating Pangulong Duterte noong i-appoint niya ang isang Chinese national na Michael Yang bilang kaniyang economic adviser? Hindi po ba ito pagtataksil dahil isang Chinese national ang in-appoint bilang economic adviser? Dahil din po ito sa utang na loob? Tanong lang po iyan.” —Usec. Castro.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Usec. Claire na una na ring nagpasalamat si Pangulong Marcos kay dating Pangulong Duterte, para dito, na tatanawin aniya ng kanilang pamilya bilang habambuhay na utang na loob.
“Nagpasalamat din po siya at babasahin ko po ang mensahe, 2016 pa po ito nang magpasalamat ang dating Senador Bongbong Marcos and I quote, “We also would like to extend our sincerest gratitude to President Rodrigo Duterte as his unwavering commitment to this issue sustained us these past several months. Our family will forever be thankful for this kind gesture.” — Usec. Castro.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi naman nangangahulugan na dapat nang madiskaril ang pagpapatupad ng batas at hustisya.
“Noon pa po sila nagpasalamat at sinabi nga nila na forever silang tatanaw ng utang na loob sa napakagandang gesture ng dating Pangulong Duterte. Pero ang pagtanaw po ng utang na loob ay hindi dapat madiskaril at hindi dapat magtraydor sa batas at sa hustisya.” — Usec. Castro.
Ang pagpapaaresto aniya sa dating pangulo ay alinsunod lamang sa commitment ng Pilipinas sa Interpol.
“Ang pagpapaaresto naman po o pagsu-surrender kay dating Pangulong Duterte sa ICC ay mayroon din pong kaugnayan na batas at mayroon po tayong sinusunod na commitment para sa Interpol.” — Usec. Claire.
Pagbibigay-diin ng opisyal, ang pagtanaw ng utang na loob, pagiging kaibigan, o pagiging dating magkasamahan, ay hindi nangangahulugan na dapat nang traydorin ang batas at ang Konstitusyon.
“Ngayon, hindi po dapat mahinto ng utang na loob ang pagpapatupad ng batas. Hindi po dapat traydorin katulad ng aking sinabi ang pagpapatupad ng batas, ang pagpapatupad ng commitment with the Interpol. Hindi po dapat na dahil lang kaibigan o dahil naging kasama ay hindi na po tutuparin ang batas at tatraydorin na po ang Konstitusyon dahil lamang sa utang na loob.” — Usec. Claire. | ulat ni Racquel Bayan