Isinusulong ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na magtatag ng settlements sa mga isla ng West Philippine Sea (WPS) para mapalakas ang karapatan ng Pilipinas doon.
Ayon kay Tolentino, target niyang makagawa ng isang batas para makapagpatayo ng sustainable human settlements sa WPS.
Ipinaliwanag ng senador na sa mga isla ng WPS, tanging ang island-municipality ng Kalayaan, na nasasakop ng Palawan, ang mayroong umiiral na komunidad.
Kaya naman dapat aniyang magtatag rin ng mga imprastraktura, suporta sa agrikultura, at populasyon sa iba pang mga isla roon.
Pwedeng aniyang maglagay ng mga pasilidad para sa pangingisda at turismo doon bilang suporta sa kabuhayan ng mga ookupa sa WPS islands.
Giit ni Tolentino, nagawa na ito noong panahon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay kung saan maraming mga kababayan natin mula sa norte ang lumipat para manirahan sa SOCCSKSARGEN Region.
Tinutukoy ng senador ang repormang agraryo ni Magsaysay na nagtatag ng National Resettlement and Rehabilitation Administration (NARRA) noong 1954. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion