Kinilala ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagiging napapanahon at mahalaga ng partnership ng Presidential Communications Office (PCO) at ng Cybercrime Investigation Coordinating Center (CICC) sa gitna ng paglaganap ng fake news at online scams sa social media ngayon.
Ito ang reaksyon ng senador sa partneship ng PCO at CICC sa paglulunsad ng hotline 1326 laban sa fake news at scams.
Ayon kay Gatchalian, para epektibong malabanan ang disinformation at online scams, dapat na maging masigasig ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbubunyag ng mga maling imporasyon sa kani-kanilang mga hurisdiksyon.
Dapat rin aniyang makatuwang ng gobyerno sa ganitong kampanya ang mga pribadong organisasyon kasama ang media.
Binigyang diin ni Gatchalian na hindi dapat magdalawang isip ang pamahalaan sa pagpapanagot sa mga sangkot sa pagpapakalat ng disinformation na may malisyosong intensyon. | ulat ni Nimfa Asuncion