Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa international community na tumulong sa crackdown o sa pagtugis sa mga transnational criminal syndicates na nasa likod ng operasyon ng mga scam hubs.
Ginawa ng senadora ang pahayag na ito kasabay ng personal na pagsalubong sa higit isandaang Pilipinong bumalik ng Pilipinas mula sa bansang Myanmar.
Sila ang mga kababayan nating naging biktima at sapilitang pinagtrabaho sa mga scam hubs doon.

Ayon kay Hontiveros, hindi kaya ng gobyerno ng Pilipinas na mag-isang tugisin ang mga sindikatong ito kaya naman kailangan ang pakikipagtulunagn sa mga gobyerno ng iba’t ibang bansa at mga international bodies.
Nagpasalamat naman si Hontiveros sa Department of Migrant Workers (DMW), OWWA, at DFA sa pagpupursige para makauwing ligtas ang mga kababayan natin.
Umaasa ang senadora na ang mga victim-survivors ay mabibigyan ng nararapat na psychosocial intervention at maisama sa mga reintegration programs para makabangon silang muli.
Pinayuhan rin ng mambabatas ang publiko na maging mapanuri, mapagmatyag at huwag basta bastang maniniwala sa mga travel ads o job ads papuntang Thailand, Cambodia, o Myanmar na nakikita sa social media. | ulat ni Nimfa Asuncion