
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Army ngayong Sabado, March 22, na isinagawa sa headquarters ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.
Sa temang “Matatag na Sandigan ng Bagong Pilipinas,” binigyang-diin sa programa ang katatagan, sakripisyo, at patuloy na dedikasyon ng mga sundalong Pilipino sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa. Kasama sa selebrasyon ang capability demonstration, audiovisual presentation, at pagkilala sa mga natatanging indibidwal at yunit na nagpakita ng kanilang kagalingan at katapangan kung saan ginawaran ang mga ito ng Gold Cross Medal.
Sa introduksyon ni Department of Defense Sec. Gilberto Teodoro kay Pangulong Marcos binigyang-pugay nito ang mga sundalong patuloy na nagsisilbi sa bayan, kasama ang mga umaksyon sa panahon ng kalamidad tulad ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon kasabay ng panawagan ng pagpapatuloy ng modernisasyon at pagsasanay upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa bansa.
Ibinida rin ng Pangulo, ang ilang mga pagsasanay at welfare programs na ibinibigay at pinakikibinabangan na ng army gayundin ang pagtaas ng kanilang subsistence allowance.
Nagtapos ang talumpati ng Pangulo, bilang commander-in-chief nito, sa pagpapasalamat sa serbisyo ng Army sa bansa.
Ilan pa sa mga dumalo ngayong araw ay sina LTGEN Roy Galido, ang Commanding General ng Philippine Army na nagbigay kanina ng kanyang welcome remarks, si Lieutenant General Arthur Cordura, ang Commanding Officer ng Philippine Air Force, Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, at iba pang mga kasalukuyan at dating opisyal ng sandatahang lakas. | ulat ni EJ Lazaro