Hindi isinabatas ng Malacañang ang panukala na layon sanang i-deklara ang Pampanga, bilang Culinary Capital ng Pilipinas.
“Maganda po kasi po iyong bill pero magki-create po kasi ito ng discrimination. Ang atin pong bawat rehiyon po ay may kaniya-kaniyang kultura, may kaniya-kaniyang kagalingan.” —Usec Castro.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni Communications Usec Claire Castro na bagama’t maganda ang nilalaman ng panukala, hindi maikakaila na malawak ang kultura ng Pilipinas pagdating sa culinary industry.
“So, ninais po natin na kasi lahat po ng rehiyon ay may kaniya-kaniya, may uniqueness na tinatawag. So, kaya po ito vinito [veto]. Hindi naman para po hindi paniwalaan na masarap o maganda ang kultura ng Pampanga pero para po kilalanin ang buong rehiyon, ang bawat rehiyon sa kanilang kagalingan.” —Usec Castro.
Aniya, kung naging batas ito, maaaring magkaroon ng diskriminasyon sa ibang rehiyon, at posible ring isipin ng mga turista na iisang lugar lamang sa Pilipinas ang maaaring puntahan, pagdating sa masasarap na pagkain.
Ito mismo ang iniiwasan ng Palasyo.
“Kung lalabas po na may pipilitin po na isa lamang na rehiyon na parang siya po iyong pinakamasarap, or pinakamagaling, pinakamaganda baka po maisip ng ibang tao specially iyong mga dayuhan na nais pumunta sa Pilipinas isiping iisa lang na rehiyon ang maaari nilang puntahan at sasabihing pinakamaganda at pinakamasarap na pagkain na local foods.” —Usec Castro.
Kung matatandaan, nauna nang sinabi ng Pangulo sa veto message na ipinadala ng Malacañang sa Senado at Kamara nitong March 12, na nangangailangan pa ng sapat na paga-aral at historical basis ang panukala.
Iniiwasan rin dito ang posibilidad na makasakit ng damdamin ng ibang mga probinsya sa bansa na kilala rin sa kanilang culinary contributions.
Sakali aniyang mayroong kaparehong panukala ang muling makarating sa tanggapan ng pangulo, asahan na ivi-veto rin ito ng Palasyo.
“Opo kasi po lahat nga po iyan ay…lahat po tayo sa bawat rehiyon po ay may kaniya-kaniya pong kagalingan.” —Usec Castro. | ulat ni Racquel Bayan