Kinondena ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang ginagawang pag-atake sa mga babaeng mamamahayag na nakasubaybay at tumututok ngayon sa nakatakdang paglilitis ni dating Pang Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Giit niya, gumagamit ng ‘mysoginistic’ na mga pahayag laban sa mga kababaihan na aniya ay isang uri ng gender-based violence.
Hindi lang din aniya ito basta personal na pang-iinsulto ngunit direktang pag-atake din sa press freedom at karapatan ng kababaihan.
Pinakahuli dito si GMA 7 reporter Mariz Umali na pinagbintangan na tinawag na matanda si dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Dahil sa maling naratibong ito, nagdulot ng mga misogynistic comments, kabilang ang pahayag ni Ramon Tulfo na mayroon pang pahayag na maituturing anilang sexual harassment.
Maging ang iba pang babaeng journalist na sina Zen Hernandez at Gretchen Ho ay nakaranas din ang pag-atake mula sa mga ‘trolls’.
“Ginagamit ang misogyny at sexual harassment bilang sandata para patahimikin ang mga mamamahayag na nagsisikap na iparating ang katotohanan sa publiko. These attacks follow a familiar playbook—when powerful men feel threatened by factual reporting, they resort to gendered attacks to discredit women journalists,” ani Brosas.
Nanawagan si Brosas sa mga media company na magkaroon ng mas maigting na support system para sa kanilang mga mamamahayag na nakakaranas ng harassment.
Apela din ng lady solon sa mga social media platform, magkaroon ng aksyon laban sa mga account na sangkot sa gender-based violence.
“We stand with our women journalists who bravely continue their work despite these attacks. Ang katotohanan ay hindi dapat kinakatakutan, at ang mga nagtatanggol nito ay hindi dapat binubusalan,” diin ng lady solon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes