Nanawagan si Bicol Saro Partyl-ist Representative Brian Raymund Yamsuan sa pamahalaan na simulan na ang pamumuhunan sa mga pang matagalang programa ng pangangalaga at mga serbisyong magpapadali sa pagpasok ng mga senior citizen sa trabaho, bilang paghahanda sa inaasahang paglobo ng bilang ng mga matatandang Pilipino sa susunod na limang taon.
Ayon kay Yamsuan, bagamat may mga kasalukuyang benepisyo ang mga nakatatanda gaya ng diskuwento, cash assistance, at social pension kinakailangan pa rin ng mga mas sustainable programs upang matiyak ang aktibo at malusog na pamumuhay, gayundin ang suporta para sa mga matatandang may kapansanan o nangangailangan ng matagalang pangangalaga.
Ayon sa datos ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), tinatayang aabot sa 8.5 porsiyento ng populasyon ng bansa ang mga matatanda pagsapit ng 2030, bagay na kinumpirma ito ng Longitudinal Study of Aging and Health in the Philippines (LSAHP), na nagsabing ito’y dulot ng pagbaba ng fertility rate at pagtaas ng life expectancy sa bansa.
Sa District 2 ng Parañaque City, naglunsad na si Yamsuan ng ilang proyekto para sa mga matatanda tulad ng libreng check-up at medikal na tulong, pagbibigay ng wheelchairs at nebulizers, at pagsasama sa Extra Rice Program.
Sa Kongreso, inihain ni Yamsuan ang House Bill (HB) 7980 na naglalayong magpatupad ng long-term care programs para sa mga mahihirap na matatanda; HB 7971 na nagpapataw ng parusa sa mga umaabuso sa mga senior citizens; at HB 10630 na magtatatag ng mga lokal na opisina upang tumulong sa paghahanapbuhay ng mga matatanda at persons with disabilities (PWDs).
Ang HB 7980 ay tumutugon sa mga pangangailangan ng lumalaking bilang ng matatanda sa bansa, kabilang na ang social protection, insurance, edukasyon, at pangkalusugang serbisyo gaya ng rehabilitasyon at hospice care.
Samantala, ang HB 10630 ay kaagapay ng HB 10985 na layong hikayatin ang mga pribadong sektor na lumikha ng trabaho para sa mga kwalipikadong senior citizens. | ulat ni Melany Valdoz Reyes