Hiniling ni House Committee on the Welfare of Children Chair at BHW partylist Rep. Natasha Co sa Department of Education, Department of Social Welfare and Development , at Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsumite ng detalyadong ulat kaugnay ng mga insidente na kinasasangkutan ng mga estudyante at guro.
Kung kinakailangan aniya, magsasagawa ang komite ng motu proprio executive sessions at pagdinig tungkol sa mga insidenteng ito ng karahasan at kapabayaan.
Ang executive sessions ay para sa mas sensitibong usapin na may kaugnayan sa privacy ng mga bata at matatanda habang ang mga pagdinig ay alinsunod sa oversight at in aid of legislation powers ng Kongreso.
Kabilang sa mga saklaw ng imbestigasyon ang insidente ng pananaksak sa isang paaralan sa Parañaque, pagkamatay at pag-atake sa loob ng campus, isang boxing match na pinahintulutan ng isang barangay kagawad, mga riot ng gang sa lansangan, at ang pagkamatay ng mga batang na-trap sa loob ng mga sasakyan.
Lubos din anya nakakabahala ang mga kaso ng pagpatay at panggagahasa sa mga guro habang nasa loob ng paaralan.
Ito ay hindi lamang usapin ng kaligtasan ng paaralan kundi pati na rin ng pangangalaga sa kapakanan ng mga bata. | ulat ni Melany Reyes