Kinikilala ng International Criminal Court (ICC) ang legalidad ng naging proseso sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng crimes against humanity na kinahaharap nito sa ICC.
“Nagpasalamat po sila sa ating nagawa. Kung ang nagsalita mismo po ay mula sa ICC, ipinapalagay natin na ang ating naging pakikipagtulungan sa Interpol at ang ating pag-i-implement ng ating batas na RA 9851 ay walang nilalabag na batas. Sumasang-ayon ang ICC na ang pag-surrender natin sa dating Pangulong Duterte ay naaayon din sa kanilang batas o rules,” ani Usec. Castro.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ito ang sinasalamin ng pagpapasalamat ni ICC Spokesperson Fadi El Abdallah sa Pilipinas sa commitment ng bansa sa international accountability mechanisms.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na ang pahayag ni Abdallah ay nagpapatunay na ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Interpol at ang pagpapatupad ng Republic Act 9851 ay hindi lumalabag sa anumang batas.
Bukod dito, binanggit din ng co-convenor ng “Bring PRRD Home” na si Benito Ranque sa isang panayam sa pahayagan na alam ng dating Pangulo na mayroon na siyang warrant of arrest mula sa ICC noong nasa Hong Kong pa ito.
Gayunpaman, pinili pa rin ng dating Pangulo na bumalik sa bansa at harapin ang kaso.
“So, ibig pong sabihin nito, hindi po totoo at walang katotohanan ang sinasabing warrantless arrest kay dating Pangulong Duterte. Ibig pong sabihin nito, ayon kay co-convenor ng ‘Bring PRRD Home’ na si Mr. Benito Ranque, alam daw niya na may warrant of arrest at handa siyang harapin ang kaniyang kaso,” ani Usec. Castro.
Ayon kay Usec. Castro, nangangahulugan ito na hindi totoo ang akusasyon ng warrantless arrest, kidnapping, at extraordinary rendition sa naging proseso ng pag-aresto kay Duterte.
“So, paano po natin masasabi ngayon na mayroong kidnapping at may extraordinary rendition? Ito po’y naaayon mismo sa kanilang kakampi na si Benito Ranque. Kaya sa aming tingin, ang administrasyon ay wala pong nilabag na batas, at iyon din po ang nakikita nating pananaw ng ICC,” dagdag ni Usec. Castro. | ulat ni Racquel Bayan