Kinumpirma ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan na nag-report na sa QCPD Headquarters sa Kampo Karingal kahapon, March 20, 2025 ang kontrobersyal na pulis QC na si Pat. Francis Steve Tallion Fontillas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Comm. Calinisan, na umiyak si Fontillas at humingi ng paumanhin sa PNP.
Nangako rin umano itong hindi na magpo-post ng mapanirang komento at hate speech sa kanyang social media page.
Sa kasalukuyan, si Pat. Fontillas ay sumasailalim sa proseso at ilalagay sa restrictive custody.
Sa kabila naman nito, desidido naman ang NAPOLCOM at PNP na ituloy ang mga kasong kriminal at administratibo laban kay Fontillas.
Tiniyak din ni Comm. Calinisan, na bibilisan ang pagresolba sa mga kasong administratibo na isinampa sa NAPOLCOM, dahil nakasalalay dito ang konsiderasyon kung dapat pa ba itong manatili sa serbisyo bilang pulis.
Kasunod nito, plano ng NAPOLCOM na suriin at pag-aralan ang proseso ng recruitment at ang taunang neuropsychiatric evaluation sa PNP. | ulat ni Merry Ann Bastasa