Nakikiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa mga kapatid na Muslim para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng Ramadan ngayong araw, March 31.
Sa mensahe ng Pangulo, binigyang-diin nito na sanay makapagbigay inspirasyon ang ipinagdiriwang na okasyon para mas maipaabot pa ng bawat isa ang pagsisilbi, makatulong sa mga nangangailangan, at makatulong na matagpuan ang kagalakang hinahanap ng bawat isa.
Sa pamamagitan lamang din aniya ng pamumuhay ng may malasakit, mararamdaman kung ano ang ninanais ni Prophet Muhammad na makamit natin at ito ay ang isang buhay na may pagmamahal at pagkakasundo na dapat maghari sa lahat.
Dagdag ng Pangulo na ang pagdiriwang ngayong Araw ng Festival of Breaking the Fast ay isa ring testamento ng ating kagustuhang maipakalat ang pakikipag-kapwa tao, mapalakas ang relasyon sa mga kaibigan at pamilya gayundin ang pagkakaisa.
Sana din ayon sa Pangulo ay maipagpatuloy ang kabutihang-asal ng pagseserbisyo at pananalig upang mapalaganap natin ang isang mas makatarungan at mapayapang Bagong Pilipinas.
Hindi rin aniya dapat malimutan ang responsibilidad ng bawat isa at ang pagpapakita ng kabutihan ay magsilbing daan para sa isang komunidad na nagsasama-sama patungo sa pagsulong. | ulat ni Alvin Baltazar