Tatlong Philippine Emergency Medical Assistance Teams (PEMAT) ang nakaantabay ngayon upang tumulong sa mga nasalanta ng magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, inatasan na ang PEMATs na mag-standby habang hinihintay ang opisyal na kahilingan at pagsasapinal ng international coordination protocols. Dagdag niya, patuloy ang DOH sa pakikipag-ugnayan sa Malacañang at mga bansang apektado sa ilalim ng ASEAN cooperation.
Mula 2023, naging aktibo ang PEMATs sa international humanitarian response, kabilang ang deployment sa Turkey. Nitong Setyembre, kinilala ng World Health Organization (WHO) ang tatlong PEMAT teams ng Pilipinas bilang WHO-certified Emergency Medical Teams, handang tumugon sa mga sakuna.
Sa huling ulat naman sa Myanmar, tinatayang umabot na sa bilang na 1,600 ang nasawi sa malakas na pagyanig habang nasa higit 3,400 ang sugatan at higit sa 100 pa ang nawawala. | ulat ni EJ Lazaro