Nakahanda nang umalis patungo sa Myanmar ang nasa 114 na mga tauhan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para magbigay ng Humanitarian Assistance at Disaster Relief sa mga naapektuhan ng magnitude 7.7 na lindol.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno na ito ay bahagi ng kasunduan at obligasyon ng Pilipinas sa mga bansang miyembro ng ASEAN tulad ng Myanmar.
Ayon kay Usec. Nepomuceno, nasa 114 na mga tauhan ang nakahandang tumulak sa nasabing bansa bukas, April 1. Sa bilang na ito 90 ay mga rescuer at ang iba ay mga tauhan ng C130.
Kabilang sa mga ipadadala ay mga Urban Search and Rescue team mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at ilang pribadong grupo para magbigay ng disaster response effort.
Dala ng grupo ang ng iba’t ibang equipment para makatulong sa rescue operation gaya ng hydraulic cutter, snake eye camera, listening device at iba pa.
Inaasahan namang tatagal ang misyon ng Philippine contingent sa Myanmar hanggang sa April 12. | ulat ni Diane Lear