May magandang balita para sa ekonomiya ng Pilipinas—itinuturing na ngayon ang bansa bilang bagong “plus one” na destinasyon para sa mga kumpanyang lumilipat mula sa Tsina sa ilalim ng China+1+1 strategy.
Dahil sa bagong patakaran ng administrasyong Trump na naglalagay ng 20% tariff sa mga inaangkat mula sa Tsina, mas maraming Chinese at multinational investors ang nagpaplanong magtayo ng kanilang mga planta sa bansa. Ito ang lumabas sa investment meetings sa Xiamen, Chongqing, Shenzhen, at Dongguan, kung saan ilang malalaking kumpanya tulad ng TE Connectivity at Aoxing Group ang nagpahayag ng interes sa paglalagay ng kanilang operasyon sa Pilipinas.
Ayon sa PEZA, umabot na sa 118 mainland Chinese companies ang rehistrado sa bansa, na nagdala ng ₱28.7 bilyong halaga ng pamumuhunan at lumikha ng mahigit 16,000 trabaho. Kasabay nito, mas maraming investors mula sa Taiwan, Hong Kong, at Tsina ang nagpapakita ng interes sa paglipat ng kanilang supply chains dito.
Sa pangunguna ng PEZA, DTI, at iba pang ahensya ng gobyerno, patuloy ang panghihikayat sa mga dayuhang mamumuhunan na ang Pilipinas ang susunod na investment hub sa ASEAN. | ulat ni Lorenz Tanjoco