Nagpahayag ng maigting na suporta si Representative Marissa ‘Del Mar’ Magsino sa panibagong digital system at panuntunan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa issuance ng travel permits sa mga menor de edad, bilang pinaigting na hakbang laban sa child trafficking at iba pang krimen.
Ayon sa mambabatas, magsisilbi rin itong proteksyon sa mga anak ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na babiyahe papunta sa ibang bansa na kasama lamang ang guardians o ibang travel companions.
Sa ilalim ng bagong Minors Traveling Abroad (MTA) system, pinaigting ang proseso kung saan tanging mga magulang, legal guardians, o travel companions na lamang ang maaaring magrehistro ng account para sa mga menor de edad.
Kasama rin sa bagong panuntunan ang mandatory video conferencing kung saan kailangan makita ang menor de edad kasama ang magulang, legal guardian, o ang travel companion upang tiyakin lehitimo ang kanilang biyahe.
“Naiintindihan natin ang nirepasong polisiya ng DSWD sa MTA system dahil nakikita natin ang patuloy na banta ng child trafficking at kailangan natin ng mas mataas na antas ng proteksyon para sa ating kabataan laban sa krimeng ito. Ang pag-digitalize din ng proseso ay inaasahang magpapadali naman sa application process at sa koordinasyon ng DSWD sa Bureau of Immigration,” saad ni Rep. Magsino.
Paalala lamang ng mambabatas na balansehin ang pagpapatupad ng bagong polisiya sa karapatan ng mga Pilipino na maglakbay, kahit pa sila ay menor de edad.
Kailangan din aniya magkaroon ng pamamaraan upang maiwasan ang maling pag-flag sa mga biyahero, lalo na sa mismong departure point.
Mayroon kasi aniya silang mga natulungang OFW na ang anak ay hindi pinaalis ng bansa, dahil sa maling impormasyong hawak ng airlines at Bureau of Immigration sa umiiral na travel policies ng DSWD.
“Mungkahi ko na sana’y masiguro ang diyalogo ng DSWD sa BI, pati sa mga airlines, tungkol sa bagong polisiya. Kung posible ay integrated na sana ang systems nila upang hindi maging sagabal sa departure point,” saad ni Rep. Magsino. | ulat ni Kathleen Forbes