Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang mga yunit ng Pulisya na paigtingin pa ang kanilang ugnayan sa mga mamamayan upang maibsan ang pangamba ng mga ito.
Iyan ang tinuran ng PNP chief kasunod ng pananatili ng pangamba ng publiko sa kabila ng pagbaba ng crime rate sa buong bansa sa mahigit 26% mula Enero ng taong kasalukuyan.
Binigyang-diin ng PNP chief na malaki ang epektong dulot ng media at social media sa pananaw ng publiko hinggil sa krimen kaya’t iginiit nito ang pagkakaroon ng tama at balanseng pag-uulat ukol dito.
Ayon kay Marbil, isa sa mga dahilan ng pangamba ng publiko ay ang pagkalat ng crime-related content sa social media na sa kabila ng mga nagawa ng PNP para iwasan at resolbahin ito.
Hinikayat din ng PNP chief ang mga Pulis na maging aktibo sa pagbabahagi ng mga positibong balita gaya ng matagumpay na mga operasyon at public safety initiatives upang balanseng mailarawan ang seguridad ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala