Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na epektibo na simula ngayong araw, March 24 ang pinalawig na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3.
Dahil dito, mula sa dating alas-9:25 ng gabi na huling biyahe sa MRT North Avenue Station ay magiging alas-10:25 na ito ngayon.
Habang mula sa dating alas-10:04 ng gabi ay magiging alas-11:04 na ng gabi ang huling biyahe sa Taft Avenue Station.
Isang oras din mapalalawig ang oras ng huling biyahe sa bawat istasyon nito mula Quezon Avenue hanggang Magallanes.
Ngayong umaga, bumisita sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City si Dizon para makipagpulong kay Chairman Don Artes at bantayan ang nagpapatuloy na tigil-pasada ng grupong MANIBELA.
Para sa mga detalye hinggil sa mga oras ng huling biyahe ng MRT sa bawat istasyon, bisitahin lamang ang social media pages ng MRT3 at DOTr. | ulat ni Jaymark Dagala