Tinuligsa ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc sa Kamara ang pagtatangka ni Senator Bato Dela Rosa na magtago sa pananagutan gamit ang parliamentary immunity.
Sa isang pahayag, sinabi ng senador na magpapasaklolo siya sa Senado sakaling maglabas ng warrant ang lnternational Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Kapwa akusado si Dela Rosa sa crimes against humanity na kinahaharap ngayon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ito ay pagyurak sa ating justice system at insulto sa libong mga bikitma ng madugong giyera kontra illegal drugs.
Panawagan pa ng lady solon kay Senate President Chiz Escudero, huwag hayaang gamitin ni Dela Rosa ang Senado.
Pinuna naman ni Assistant Minority Leader Arlene Brosas ang biglang pagbaliktad ni Dela Rosa, na noong una ay nagsasabing handa pa siyang samahan ang dating Pangulo sa The Hague.
Diin ni Brosas, hindi hideout ang Senado.
Isa rin aniyang malaking kahihiyan kung ang isang institusyong dapat nagtataguyod ng hustisya ay gagamitin bilang taguan ng mga umiiwas sa pananagutan. | ulat ni Kathleen Forbes