Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa mga nagpapakalat ng ‘fake news’ sa social media kaugnay sa pagkaka-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Colonel Randulf Tuaño na iniimbestigahan ng PNP-ACG ang mga nagpapakalat ng fake news at maaaring maharap sa kasong may kinalaman sa Senate Bill 1492 na naglalayong parusahan ang mga nagkakalat ng maling impormasyon at iba pang kaugnay na paglabag.
“Lahat yan nabanggit inisa isa kay ACG chief Brig. Gen. Bernard Yang kasama na diyan yung lumalabas na mga memes at yung mga fake news all about kay FPRRD binigay lahat kay ACG director for his appropriate actions,” ani Tuaño.
Samantala, naglabas na rin ng kautusan ang PNP bilang paalala sa lahat ng mga ground commander nito na huwag maglabas ng anumang dokumento ng kautusan ng pulisya upang masigurong hindi ito magagamat sa anumang malisyosong isyu.
Kasabay ng babala na mahaharap sa kasong administratibo ang sinumang pulis na mapatutunayan lumabag dito. | ulat ni Diane Lear