Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nitong tumulong sa International Criminal Police Organization (Interpol) kung may ilalabas pang arrest warrant laban sa mga personalidad na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño, bilang miyembro ng Interpol, may tungkulin ang PNP na makipagtulungan sa organisasyon. Sinabi rin niya na susundin ng PNP ang parehong proseso kung hihingi ng tulong ang Interpol.
Nilinaw naman ni Tuaño na wala pang natatanggap na impormasyon ang PNP hinggil sa posibleng bagong arrest warrant.
Tumanggi rin siyang magkomento sa pahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na hihingi ito ng proteksyon mula sa Senado kung maglalabas ng arrest warrant ang ICC laban sa kanya.
Matatandaang naaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC noong nakaraang linggo sa kasong crimes against humanity na iniuugnay sa war on drugs ng dating Pangulo. | ulat ni Diane Lear