Nagsasagawa na ngayon ng manhunt operation ang pulisya sa Maguindanao del Norte laban sa mga salarin sa pamamaril sa magkasintahang abogado.
Ayon kay Maguindanao Del Norte Police Provincial Office Public Information Office Chief PCapt. Analiza Aguilar, bagaman naisugod pa sa ospital nasawi si Atty. Junisa Kimamao na municipal accountant ng Shariff Saydona, habang sugatan naman ang lalaking kasintahan nito na isa ring abogado.
Nabatid na pasado alas-3 ng hapon kahapon nang harangin at pagbabarilin ng apat na armadong lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang mga biktima habang sakay ng isang suv sa Sitio Tenorio, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.
Sinabi ni Aguilar na nakakuha din sila ng malinaw na kuha sa CCTV kung saan nakitang mula sa opisina ng mga biktima ay sinundan ang mga ito ng mga suspek.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga pulis ng Maguindao del Norte para sa mahuli ng mga responsable at para matukoy ang motibo sa insidente. | ulat ni Diane Lear