Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na hindi tinanggalan ng security escorts si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa virtual press briefing sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang pagbawi sa ilan sa kanyang mga security personnel ay alinsunod sa Comelec Resolution 11067.
Ang naturang resolusyon ay nag-aatas ng pagbawi sa lahat ng protective security personnel ng mga indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno sa panahon ng eleksyon.
Paliwanag ni Fajardo, ang dalawang security escort ni dela Rosa mula sa Regional Police Security Protection Unit sa Region 11 ay inalis noon pang January 13 dahil wala silang certificate of authority mula sa Comelec.
Gayunpaman, apat na security personnel ang nananatili sa kaniya, dahil may aprubadong exemption ang mga ito mula sa Comelec na tatagal hanggang June 11, 2025.
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, dapat dalawang security personnel lamang ang ibinibigay sa isang indibidwal, ngunit maaari itong madagdagan depende sa resulta ng threat assessment at desisyon ng Comelec.
Iginiit ng PNP na hindi totoo ang mga kumakalat na balita kaugnay sa umano’y tuluyang pagtatanggal ng security detail ng senador. | ulat ni Diane Lear