Patuloy na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasunod ng mga insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksyon.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, mismong si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil at Commission on Elections Chairman George Garcia ang bumibisita sa rehiyon upang personal na suriin ang sitwasyon.
Sinabi ni Fajardo na pinag-aaralan na ang posibilidad ng pagpapadala ng Special Action Force sa BARMM para matiyak ang seguridad sa panahon ng halalan. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas pinaigting na seguridad sa mga lugar na itinuturing na election areas of concern.
Kasabay nito, naglatag na ang PNP at iba pang law enforcement agencies ng mga hakbang upang maiwasan ang pagdami ng karahasang may kinalaman sa eleksyon.
Samantala, umabot naman sa 11 ang kumpirmadong election-related incidents, at apat pang kaso ang bineberipika ng PNP. | ulat ni Diane Lear