Inaasahang makakalabas na ng ospital sa darating na araw ng Linggo sa Roma si Pope Francis matapos ang halos 40 araw na pakikipaglaban sa double pneumonia.
Ito ang kinumpirma ng medical director ng Gemelli Hospital na si Dr. Sergio Alfieri matapos ang higit isang buwang gamutan, kung saan nagpakita na ng tuluy-tuloy na paggaling si Pope Francis mula sa kanyang sakit, bagaman kinakailangan pa rin nito umano ng hindi bababa sa dalawang buwan ng pahinga at rehabilitasyon sa loob ng Vatican.
Samantala, nauna nang inanunsyo ng Holy See Press Office, na balak ni Pope Francis na lumitaw sa kanyang bintana sa Gemelli Hospital araw ng Linggo sa Roma, bandang alas-12 ng tanghali, upang bumati at magbigay ng pagpapala. Ipapamahagi rin ang teksto ng kanyang Angelus reflection tulad ng nakasanayan tuwing Linggo.
Maaalalang na-admit si Pope Francis noong ika-14 ng Pebrero sa Gemelli Hospital matapos lumala ang kanyang bronchitis na humantong sa pneumonia. | ulat ni EJ Lazaro