Pag-aaralan ni Senate Committee on Tourism Chairman at reelectionist Senator Lito Lapid ang posibilidad na mapailawan ang Loboc River sa Bohol bilang bahagi ng pagpapalago ng turismo sa naturang lugar.
Ayon kay Lapid, hiniling sa kanya ni Loboc Mayor Raymond Jala ang posibilidad na mapondohan ang pagkakabit ng mga ilaw para makapag-operate ang Loboc River Cruise kahit gabi.
Una nang sinuspinde ang operasyon ng mga panggabing floating restaurant sa Loboc River matapos masira ng bagyo.
Sinabi ng senador na pag-uusapan pa kung paano maipapatupad ang hiling na proyekto, sa pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA). Maliban sa Loboc River, makikipagtulungan rin si Lapid sa DOT at TIEZA para matukoy at madevelop ang iba pang potensyal na tourist destination at para maisaayos ang mga kasalukuyan nang tourist destination sa Bohol. | ulat ni Nimfa Asuncion