Welcome sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapadala ng panibagong Typhon Mid-Range Capability (MRC) missile system ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na welcome development ito para sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil malaking tulong ito sa pagsasanay ng mga sundalo ng AFP.
Sinabi naman ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na sa ngayon ay maliit na bilang pa lang ng mga sundalo ang sumasailalim sa pagsasanay, kaya ang pagpapadala ng panibagong Typhon missile ay magpapabilis sa pagsasanay ng mga ito.
Batay sa ulat mula sa isang US-based Defense News, inihahanda na umano ng US Army 3rd Multidomain Task Force ang Typhon battery para ipadala sa Pacific Theater.
Kung sakali, ito na ang ikalawang Typhon missile na papasok sa rehiyon.
Matatandaang unang dinala sa Pilipinas ang US Typhon Missile System noong Abril 2024 bilang bahagi ng joint military exercises ng Salaknib at Balikatan, na inalmahan naman ng China. | ulat ni Diane Lear